
Tuloy-tuloy pa ring makakukuha si dating Pangulong Rodrigo Duterte ng kaniyang buwanang pensyon kahit nasa detention facility ito ng International Criminal Court (ICC) sa The Netherlands.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, kasama ang monthly pension sa tinatanggap na benepisyo ng nagiging pangulo ng Pilipinas.
Mula aniya sa P40,000 noong 1967, itinaas na sa P96,000 ang monthly pension na nakukuha ng mga nagiging pangulo hangga’t siya ay nabubuhay at ito ay tax free.
Samantala, sakali namang mahatulang guilty ng ICC si dating Pangulong Duterte sa kasong crimes against humanity, ay hindi pa basta-bastang tatanggalin ang kaniyang benepisyo dahil kailangan ng kautusan tungkol dito mula sa Korte Suprema.
Masyado pa aniyang maaga para magsalita sa anumang forfeiture of benefits at hindi pa rin ito pinag-uusapan dahil sa ngayon ay walang hurisdiksiyon ang ICC sa Pilipinas.