
Tinutulan ng Malacañang ang naging pahayag ni Vice President Sara Duterte na maaaring matulad kay Ninoy Aquino si dating Pangulong Rodrigo Duterte kung uuwi ito sa Pilipinas.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro na hindi maikukumpara si Duterte kay Aquino, dahil wala namang rekord si Aquino ng mass murder o crimes against humanity.
Dagdag pa ni Castro, hindi rin inihalintulad ng dating pangulo ang kanyang sarili kay Ninoy Aquino kundi kay Adolf Hitler dahil minsan na nitong sinabi na “kung may Hitler ang Germany, may Duterte ang Pilipinas.”
Kinuwestyon din ni Castro, kung anong basehan ni VP Sara sa kwentong may banta sa buhay ng dating pangulo gayong ang sinasabing pagbabanta umano sa buhay ng bise presidente ay hindi pa rin naipipresenta sa National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP).
Giit ni Castro na bago maglabas ng ganitong mga pahayag ay magpakita muna ng konkretong batayan na may banta sa buhay ni dating Pangulong Duterte.