
Inamin ng kinatawan ng Interpol sa Pilipinas na walang kasama si dating Pangulong Rodrigo Duterte nang ibinaba na ito sa eroplano at isinakay sa stretcher.
Nagpahayag ng pagaalala si Senator Christopher “Bong” Go sa ginanap na pagdinig sa Senado kung saan tinukoy nito na kasunod ng pagkakakulong sa dating Pangulo ay na-isolate ito, hindi pinayagan na ma-access ng kanyang personal doctors, at hindi naibigay ang mga nararapat na gamot para sa kanyang karamdaman.
Inamin ni Special Envoy on Transnational Crime Ambassador Markus Lacanilao na si Duterte na lang mag-isa nang sinundo ng mga tauhan ng International Criminal Court (ICC) pagdating sa The Hague.
Hindi aniya sila pinayagan ng ICC na samahan pa ang dating Pangulo hanggang sa dalhin ito sa kanyang detention facility.
Nang matanong naman ni Go kung paano ang access sa medication ng dating Pangulo kung wala na itong kasama sa pagbaba sa eroplano, sinagot ni Lacanilao na nakipagusap at ipinaliwanag na lamang ng personal nurse ni Duterte at ng Philippine National Police (PNP) doctor ang mga kailangan nitong gamot.
Maski ang mga ito aniya ay hindi rin pinayagan na sumama sa dating Pangulo.
Iginiit ni Go na 27 ang gamot na araw-araw ay kailangang inumin ng dating Pangulo at napag-alaman niya na hanggang ngayon ay hindi pa rin pinapainom kay Duterte ang mga kailangang gamot nito kahit dalawang beses nang nagpadala ng mga gamot para sa kanya.