Ikinakasa na ng Senate Committee on Public Sevices na pinamumunuan ni Senator Grace Poe ang gagawing pagdinig ukol sa franchise renewal application ng ABS-CBN kahit hindi pa ito nabibigyan ng atensyon ng Kamara.
Nilinaw naman ni Poe, na hindi nya hangad na i-pressure ang mababang kapulungan para dinggin na ang aplikasyon sa franchise renewal.
Unang naghain ng resolusyon si Poe para dinggin ang umano’y mga paglabag ng ABS-CBN sa prangkisang hawak nito.
Pero nagpasya si Poe na kanila ng bubusisiin ang application for franchise renewal ng ABS-CBN para makapagpalabas sya agad ng committee report sa oras na maitransmit na ng Kamara ang desisyon nito ukol sa prangkisa ng ABS-CBN.
Dagdag pa ni Poe, ang pagdinig ng Senado ay magpapakita din ng awtoridad at mandato ng lehislatura sa usapin ng prangkisa.
Ito ay makaraang maghain ang solicitor general ng Quo Warranto petition sa Supreme Court na nagpapawalang bisa sa prangkisa ng ABS-CBN.