Nakalusot na sa ikalawang pagbasa ang House Bill 7507 na layong bigyan ng franchise ang subsidiary ng San Miguel Corp. (SMC) para sa itatayong paliparan sa Bulacan.
Sa viva voce voting ay nakapasa sa second reading ang panukala na nagbibigay sa San Miguel Aerocity, Inc., ng prangkisa para magtayo, mag-develop, at mag-operate ng 2,500 hectares na New Manila International Airport.
Sa ilalim ng panukala ay ililibre ang SMC sa pagbabayad ng direct at indirect taxes tulad ng income taxes, Value Added Tax (VAT), customs duties, business taxes, franchise taxes gayundin ang iba pang charges sa pagtatayo at operation ng paliparan sa susunod na 10 taon.
Nakasaad naman sa profit-sharing agreement ng inaprubahan na franchise bill na ang sobra sa 12% ng Internal Rate of Return (IRR) na na-generate na income ng Airport City ay ibibigay sa gobyerno.
Samantala, inaprubahan naman sa Committees on Economic Affairs at Ways and Means ang substitute bill na layong lumikha ng special economic zone at freeport sa mismong Bulacan Airport City.
Ayon kay Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda, inihiwalay nila ang panukala para sa pagbibigay ng franchise sa SMC at ang itatayong economic zone sa Bulacan Airport upang maging malinaw kung ano ang magiging papel nito at kung anong magagawa nito para sa pag-angat ng ekonomiya ng bansa.
Paliwanag naman ni Economic Affairs Chairman Sharon Garin na ang prangkisa ay ibinibigay sa pribadong indibidwal at anumang tax rates na iginagawad sa franchisee ay para lamang dito habang ang ecozone ay magpapatupad ng ibang tax schemes batay sa nasasaklaw ng ecozones at freeports.