Monday, January 19, 2026

Francis Leo Marcos, pinagmulta ng Supreme Court matapos umatras sa pagtakbo noong 2025 elections

Hinatulan ng Supreme Court (SC) na guilty sa indirect contempt ang social media personality na si Francis Leo Marcos dahil sa umano’y pambabastos sa kanilang proseso.

Ito ay kaugnay ng kaniyang bawi na desisyon sa pagtakbo bilang senador noong 2025 midterm elections.

Matapos maghain ng kaniyang certificate of candidacy bilang senador, idineklara siya ng Commission on Elections (COMELEC) bilang isang nuisance candidate.

Pero dumulog si Marcos sa SC at kalaunan ay kinatigan matapos maglabas ng temporary restraining order (TRO) upang harangin ang pagdedeklara sa kaniya ng COMELEC bilang panggulo lamang.

Ngunit dalawang araw lamang matapos ilabas ang TRO ay binawi ni Marcos ang kaniyang kandidatura, dahilan upang maging moot ang petisyon.

Hindi naman kinatigan ng SC ang kaniyang argumento na inatras ang kandidatura dahil nagsimula na ang pag-imprenta ng mga balota at magdudulot lamang ng dagdag-gastos sa gobyerno sakaling isama ang kaniyang pangalan.

Ayon pa sa SC, dapat ikinonsidera muna ni Marcos ang mga posibleng mangyari bago maghain ng petisyon o bawiin ang kandidatura matapos makakuha ng TRO.

Batay sa desisyon na isinulat ni Associate Justice Maria Filomena Singh, pinagbabayad si Marcos ng ₱30,000 na multa dahil sa indirect contempt.

Facebook Comments