Nagkainitan sa sesyon ng plenaryo sina Senate Blue Ribbon Committee Chairman Francis Tolentino at Senator Risa Hontiveros matapos na igiit ng senadora na ‘in good faith’ ang naging hakbang ng mga dating opisyal ng Department of Agriculture (DA) at ng Sugar Regulatory Administration (SRA) sa pag-iisyu ng kontrobersyal na Sugar Order no. 4 (SO4).
Sa interpelasyon ni Hontiveros kay Tolentino kaugnay sa committee report sa ginawang imbestigasyon sa SO4 ay binigyang-diin ng senadora na Abril pa lang ay ipinarating na ni dating National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Karl Kendrick Chua kay dating Finance Secretary Carlos Dominguez na magkakaroon ng kakulangan sa suplay ng asukal bagay na sumusuporta sa naging hakbang sa pagpapalabas ng SO4.
Nag-ugat ang banggaan nina Hontiveros at Tolentino nang igiit ng senadora na maaaring gamitin ang ‘good faith’ bilang depensa ng mga indibidwal na inaakusahan sa mga aksyon na hindi naman talaga nila ginawa.
Pero puna ni Tolentino, tila nauuso ang paggamit ng “badges of good faith” bilang depensa dahil sa kanyang buong pag-aaral ng batas ay wala naman nito.
Kinontra naman ito ni Hontiveros matapos na tukuyin na nagamit ang ‘good faith’ sa mga kaso noong 2020 na Madera vs Commission on Audit, De Guzman vs COA, at SSS vs COA sabay sabing ang mga kasong ito ay bago at hindi masisisi ang Chairman na si Tolentino kung wala itong alam sa new cases.
Dito na nagalit si Tolentino at iginiit na hindi dapat bigyang-diin na wala siyang alam at mayroon pa siyang law exam sa susunod na Martes kaya estudyante pa rin siya hanggang ngayon.
Agad na pinabura ni Tolentino sa record ang naging remarks ni Hontiveros na hindi naman tinutulan ng senadora.