Fraud Audit Report ng COA sa maanomalyang flood control projects, isinumite na sa Ombudsman

Isinumite kanina ng Commission on Audit (COA) at Department of Public Works and Highways (DPWH) ang limang Fraud Audit Reports sa Office of the Ombudsman kaugnay sa mga flood control project ng DPWH Bulacan 1st District Engineering Office.

Isa sa mga tinukoy ng COA at DPWH ay ang proyekto ng Wawao Builders sa Barangay Frances, Calumpit, Bulacan na nagkakahalaga ng ₱77.19 milyon.

Ayon sa ulat, idineklara itong 100% kumpleto, ngunit natuklasan ng COA na 77.90 meters lamang ang naitayo mula sa orihinal na planong 124 meters.

Nabatid din na nakatanggap ang kontratista ng dagdag na ₱3.13 milyon na walang kaukulang dokumentong nagpaliwanag ng pagtaas ng gastos, bagay na labag sa Government Procurement Reform Act.

Bukod dito, lumitaw ang mga depekto sa pagkakagawa tulad ng mga bitak at hindi pantay na kongkreto.

Wala ring naipasa na kumpletong dokumento upang mapatunayan ang proyekto, taliwas sa COA Circular No. 2009-001.

Kabilang sa mga tinukoy na responsable sa iregularidad ay sina District Engineer Henry C. Alcantara, Assistant District Engineer Brice Ericson D. Hernandez, Project Engineer Paul Jayson F. Duya, Construction Section Chief Jaypee D. Mendoza, at Mark Allan V. Arevalo ng Wawao Builders.

Kabilang din sa iniimbestigahan ay ang St Timothy construction at SYMS Construction Trading.

Facebook Comments