Igiiniit ni Senator Sonny Angara na dapat mapagkalooban ang lahat ng mga Pilipino, anuman ang estado sa buhay, ng libreng medical check-ups kada taon.
Nakapaloob sa Senate Bill 2297 na inihain ni Angara, na lubhang mahalaga ang taunang medical check-ups upang maagapang gamutin ang anumang sakit.
Paliwanag ni Angara, makakatulong din ang panukala para makatipid ang gobyerno sa pagpapagamot ng malulubhang karamdaman ng mamamayang Pilipino.
Sa panukala ni Angara, magiging kasama ito sa benepisyo ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth sa ilalim ng Universal Health Care Law.
Itinatakda ng panukala na ang laboratory at diagnostic examinations ay gagawin ng libre sa mga PhilHealth-accredited health care institutions.
Diin ni Angara ang pagkakaroon ng maayos na kondisyon ng kalusugan ay kasama sa pangunahing karapatan ng mga Pilipino na dapat tiyaking maipagkakaloob sa pamamagitan ng pagkakaroon nila ng taunang check-up at konsultasyon sa doktor.