
Isinusulong muli nina Senate Majority Leader Joel Villanueva at Senate Minority Leader Tito Sotto III ang Freedom of Information (FOI) Bill sa Senado.
Layunin ng panukala na maisapubliko ang lahat ng transaksyon at kontrata na pinasok ng gobyerno kung saan nasasangkot ang interes ng taumbayan.
Sa magkahiwalay na FOI Bill na inihain ng dalawang senador, oobligahin ang lahat ng tanggapan ng gobyerno na bigyan ng access ang mga Pilipino sa mga impormasyon na may public concern lalo na kapag may hihingi nito.
Kasama sa ipinasasapubliko ang Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN) ng lahat ng nasa gobyerno, kasama ang Presidente, Bise Presidente, mga myembro ng gabinete, Kongreso, Hudikatura, Constitutional Commissions at militar.
Ipinasasapubliko rin ang taunang budget, kita at gastos ng bawat ahensya kasama ang kanilang plantilla positions.
Kung may confidentiality ang hinihinging dokumento tulad ng pambansang seguridad, law enforcement, foreign affairs, trade secrets, maaaring magdulot ng panganib sa buhay at kaligtasan ng isang indibidwal o bansa at kung personal ang impormasyon ay maaaring tanggihan ang paglalabas ng impormasyon.









