Inaprubahan ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang paglalabas ng freeze orders laban sa lahat ng bank accounts ng Communist Party of the Philippines (CPP) at ang armed wing nito na New People’s Army (NPA) at iba pang grupong idineklarang terorista ng Anti-Terrorism Council (ATC).
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, maaaring gumalaw ang AMLC anumang oras matapos ang pagtatalaga ng ATC.
Pero hindi pinangalanan ni Guevarra ang pangalan ng mga indibidwal, grupo, maging ang bangko kung saan nakarehistro o nakadeposito ang mga ito.
Ang Secretary of Justice ay miyembro ng ATC at pinamumunuan ang technical working group na bumuo ng implementing rules ang regulations ng Republic Act 11479 o ang Anti-Terrorism Act of 2020.
Sa ilalim ng batas, maaaring mag-isyu ang AMLC ng 20-araw na freeze order sa mga bank accounts at assets ng mga tao o grupong pinaghihinalaang gumawa o sumusuporta sa anumang terrorist activities.
Nitong December 25, idineklara ng ATC ang CPP-NPA bilang terrorist organizations.