Simula sa Biyernes, July 10, bibigyang diin na ng Department of Health (DOH) sa kanilang pag-rereport ng COVID-19 ang mga active cases.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, gagamit sila ng bagong paraan ng pag-uulat ng mga kaso kung saan hindi na gagamitin ang “fresh” at “late” sa pagka-classify ng mga kaso ng COVID-19.
Paliwanag ni Vergeire, ang active cases ay ang mga indibiduwal na nagpositibo sa COVID-19 na nananatili sa mga ospital, quarantine facilities, o sumasailalim sa self o home quarantine.
Hindi kasama sa active cases ang bilang ng mga gumaling at mga namatay.
Pero nilinaw ng DOH na i-uulat pa rin nila ang kabuuang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa pero iha-highlight na dito ang mga active cases o yung mga natitirang kaso na kailangang tugunan.