Nahihirapang makahanap ng trabaho ang mga fresh graduate dahil karamihan sa kanila ay kulang sa soft skills at practical job skills.
Ito ang ilan sa pangunahing findings ng situational report ng Commission on Human Rights (CHR) na layong mabigyang diin ang urgent challenges na kinakaharap ng mga fresh graduate sa post-pandemic normal.
Natuklasan din na nakakaranas ang fresh graduates ng culture shock sa kanilang pagpasok sa trabaho dahil ang kanilang expectations ay iba mula sa kung ano ang itinuro sa paaralan.
Ayon pa sa report ng CHR, bagama’t layunin ng K-to-12 program na mahasa ang mga senior high school graduate na magkaroon ng competencies at skills hindi lamang sa kanilang pag-aaral kundi para na rin sa employment, hindi gaanong nabibigyan ng atensiyon ang paglinang pa sa kanilang buhay at soft skills gaya ng pagkakaroon ng empathy, pagiging malikhain, resilience at komunikasyon na mahalaga sa trabaho.
Inihayag din ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP), ang mga fresh graduate na nakakumpleto na ng kanilang edukasyon sa pamamagitan ng virtual learning ay nahihirapang magkatrabaho hindi lamang dahil sa kakulangan ng skill sets dahil sa limitadong online set up dala ng pandemya kundi dahil na rin sa resulta ng mahigpit na kompetisyon sa labor market kasunod ng muling pagbubukas ng ekonomiya.
Ayon kay ECOP president Sergio Ortiz-Luis Jr., pinaprayoridad ng mga kompanya ang muling pag-hire ng dating mga empleyado na mayroon ng karanasan sa trabaho kumpara sa mga fresh graduate.