FRIGATE ACQUISITION PROGRAM | Planong pagpapatawag ng Senado kay SAP Bong Go, welcome sa Malakanyang

Manila, Philippines – Malaki ang tiwala ng Palasyo ng Malacanang na malilinis ni Special Assistant to the President Secretary Bong Go ang kanyang pangalan sa usapin ng transaksyon ng Philippine Navy sa pagbili ng mga barko nito.

Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, iginagalang nila ang karapatan ng Senado bilang co-equal branch ng gobyerno na magsagawa ng imbestigasyon sa anomang usapin sa pamahalaan.

Sinabi ni Roque na lalabas din sa gagawing imbestigasyon ng Senado kung mayroong problema ang kontrata na pinasok ng nakaraang administrasyon.


Matatandaan na mismong si Secretary Go ang nagsabi na kung mapatutunayang nakialam siya sa nasabing transaksyon ay handa siyang magbitiw sa posisyon.

Hinamon din mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Rappler na patunayan ang kanilang akusasyon at kung mapatutunayan ay sisibakin niya mismo si Go.

Binigyang diin na din naman ng Malacanang na malabong nakialam si Go sa transaksyon dahil done deal na ito noong Aquino Administration.

Facebook Comments