Manila, Philippines – Tuluy na tuloy na ang pagharap ni Special Assistant to the President Christopher Bong Go sa gagawing imbestigasyon ng Senado sa Lunes.
Ayon sa Committee on National Defense and Security na pinamumunuan ni Senator Gringo Honasan, nagpadala na ng kumpirmasyon ang Malakanyang na sisipot sa hearing si Bong Go.
Ang pagdinig ay ukol sa modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines.
Pangunahing matatalakay ang kontrobersyal na pagbili ng dalawang barkong pandigma para sa Philippine Navy.
Ang imbestigasyon ay tugon sa Senate resolution 584 na inihain ng Senate Minority Bloc na naglalayong busisiin ang umano’y paglabag sa Government Procurement Act dahil ini-award ang 15.5 billion pesos na kontrata sa South Korean firm kahit mas mataas ang bid price nito.
Uungkatin din sa pagdinig ang alegasyon na nakialam umano si Bong Go sa pagpili ng supplier ng combat management system na itinuturing na main computer ng nabanggit na mga barkong pandigma.