Pinagtatayo ni TUCP Partylist Representative Raymond Mendoza ang mga Local Government Units (LGUs) ng frontdesk sa coordination sa Inter-Agency Task Force (IATF) at sa repatriation ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Binatikos ng kongresista na matapos ang tatlong linggo na Enhanced Community Quarantine (ECQ) ay walang maayos na ugnayan at plano ang IATF, DILG, DOLE at LGUs para sa repatriation, quarantine, post-quarantine at financial assistance sa mga overseas workers.
Tinukoy ni Mendoza ang kawalan ng rapid response protocols ng DOLE at ng mga attached agencies gayundin sa mga LGUs.
Hanggang ngayon aniya ay walang maayos na koordinasyon para sa pagpoproseso sa pagpapauwi sa kanilang mga bayan ang mga OFWs at wala ring malinaw na tulong sa mga displaced at stranded na OFWs.
Marami aniyang mga OFWs ang tinatanggihan ng mga LGUs na makapasok sa kanilang lugar dahil galing sa mga bansang may mataas na COVID-19 cases.
Umapela din ang mambabatas na ibigay na ang $200 insurance para sa mga displaced OFWs at linawin din ang polisiya para sa redeployment ng mga bagong labor markets na pwedeng pagtrabahuan ng mga displaced OFWs na ayaw pang umuwi ng bansa.
Giit ng kongresista, dapat na madaliin na ang pag-aksyon sa pangangailangan ng mga repatriation ng mga OFWs dahil inaasahang aabot sa 400,000 OFWs ang uuwi sa bansa sa susunod na anim na buwan.