Front Secretary ng NPA sa Northern Samar, patay sa engkwentro

Nasawi ang Front Secretary ng New People’s Army (NPA) sa Northern Samar matapos na magka-engkwentro ang tropa ng 803rd Infantry Brigade at nasa 60 miyembro ng rebel group na mga tauhan ng nasawing Front Secretary.

Ayon kay Captain Jonathan Mayonon, Civil Military Officer ng 803rd Infantry Brigade, nagpapatuloy ang operasyon ng kanilang tropa simula pa nitong December 21 sa KM 14 Brgy. Happy Valley, San Isidro, Northern Samar.

Sa operasyon aniya noong December 21 ay nasawi sa sagupaan ang front secretary ng NPA ng Northern Samar na si alyas ‘Apple’ at alyas ‘Nadie’ ang Secretary ng Front Committee 2 at commander ng Front Guerilla Unit.


Habang nitong December 22 ay nahuli naman ng militar ang isa pang NPA na si Jonas Dela Torre alyas ‘Junel’ sa encounter site rin sa Northern Samar at nakuha ang kanyang AK-47 rifle.

Kinumpirma rin Captain Mayonon na kabuuang anima na matataas na kalibre ng armas ang nakuha nila sa mga encounter site.

Sa kabila naman ng maigting na pagtugis sa NPA nanawagan pa rin si Mayonon sa mga NPA na sumuko na para makapag bagong buhay at makasama ang kanilang pamilya lalo na ngayong panahon ng pasko.

Una nang idineklara ng gobyerno na walang holiday ceasefire sa pagitan ng CPP-NPA ngayong holiday season.

Facebook Comments