Frontline services ng PNP, gagawing drive-thru para makaiwas sa COVID -19

Isinusulong ni Philippine National Police (PNP) Deputy Chief for Administration Police Lieutenant Gen. Camilo Cascolan na gawing drive-thru ang lahat ng frontline services ng PNP.

Aniya, isa ito sa mga tinalakay sa isinagawang emergency meeting kahapon ng Administrative Support to COVID-19 Operations Task Force (ASCOTF) para mapangalagaan ang kalusugan ng mga pulis sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ayon sa opisyal, ang frontline services katulad ng pagkuha ng lisensya ng baril o clearance sa sasakyan ng Highway Patrol Group (HPG) sa Camp Crame ay pwede nang gawing drive-thru para maiwasan ang physical contact.


Maaari rin aniyang maglagay na lang “drop box” sa gate ng Camp Crame para sa may mga kailangang isumite ng dokumento tulad sa pagkuha ng permit at lisensya ng mga guardya at security agency.

Para kay Cascolan, ang pinaka-epektibo paraan para maiwasan ang pagkahawa ng kanilang mga tauhan ay bawasan ang face-to-face contact.

Kaya maging ang mga ibang transaksyon na pwedeng gawin sa pamamagitan ng internet o yung “virtual transactions” ay kanila na aniyang ipatutupad.

Aniya, isusumite niya kay PNP Chief Police Gen. Archie Francisco Gamboa ang plano para maaprubahan, bilang bahagi ng administrative changes na ipatutupad sa PNP para makaiwas sa second wave ng COVID- 19.

Facebook Comments