Pumanaw ang isang 38-anyos na frontliner sa Cainta, Rizal noong Huwebes dulot ng matinding init ng panahon.
Ayon sa pamilya, bigla raw nahilo si Arvic Macarilay habang naka-duty sa isang quarantine control checkpoint noong Mayo 6.
Inihatid muna si Macarilay sa kaniyang bahay pero nawalan daw ito ng malay, dahilan para isugod na siya sa pagamutan.
Bago bawian ng buhay, inatake ng seizures ang lalaki at idinadaing ang masakit na dibdib.
Batay sa pagsusuri, may pumutok na ugat sa ulo ni Macarilay.
Pagiging disk jockey at audio technician ang ikinabubuhay ng yumaong frontliner, na nagboluntaryong magbantay sa quarantine control checkpoint habang umiiral ang enhanced community quarantine.
Kasapi rin ito ng Barangay Community Action Group na tumutulong sa paghuli ng mga lumalabag sa panuntunan.
Pinarangalan ng Philippine National Police at pamahalaang siyudad si Macarilay bunsod ng kabayanihang ipinakita sa gitna ng banta ng COVID-19.