Frontliner sa Cebu City, ‘na-discriminate’ ng brgy volunteers

Screenshot captured from Janly Grace Demol's video.

Mahaharap sa patong-patong na kaso ang tatlong volunteer ng Barangay Labangon, Cebu City matapos i-discriminate ang isang babaeng nursing attendant na nakatira sa lugar.

Sa kuhang video ni Janly Grace Demol, pauwi na sana ang frontliner sa kaniyang bahay na galing duty nang biglang harangin at hindi papasukin ng mga volunteer sa kanilang sitio.

Sinabihan pa raw ang health worker na bumili na lamang ng condominium unit para iwas-sakit.


Makailang beses daw nagmakaawa ang babae pero hindi siya pinakinggan ng mga ito.

Nakapasok lang daw ang nursing attendant matapos magsumbong sa pulisya. Subalit dahil sa insidente, nagdesisyon ito na lumipat muna ng ibang tirahan.

Batay sa post, nangyari ang matinding komprontasyon noong Abril 23 sa Sitio Callejon.

Ayon kay Atty. Rey Gealon, legal officer ng siyudad, iniimbestigahan na nila ngayon ang insidente na aniya isang uri ng diskriminasyon.

Posibleng makasuhan ang tatlong volunteer bunsod ng paglabag sa magna carta for public workers, pagsuway sa city ordinance na nagbabawal sa pang-aapi ng mga frontliner, at maltreatment base.

Sa huling datos ng Department of Health (DOH), nasa 476 katao ang tinamaan ng COVID-19 sa Cebu City, kung saan 22 sa kanila ay residente ng Sitio Callejon.

Facebook Comments