Kinumpirma ni Philippine Ambassador to China Chito Sta. Romana na nasa 60,000 mga Chinese national na ang nabigyan ng bakuna laban sa COVID-19.
Ito ay ang Sinovac at Sinopharm vaccine na nasa phase 3 na ng clinical trials doon.
Gayunman, nilinaw ni Sta. Romana na voluntary basis lamang ito o ibinibigay sa mga Chinese na gusto lamang mabakunahan at emergency basis para sa mga frontliner lalo na ang mga nasa ospital na direktang humaharap sa mga pasyenteng may COVID-19.
Maliban dito, nabigyan din ng bakuna maging ang mga airport personnel, customs at ports personnel dahil sila ang humaharap sa international at foreign nationals na pumapasok sa kanilang bansa.
Sinusubukan na rin aniya ng China ang bakuna para sa kanilang phase 3 ng clinical trials sa iba pang mga bansa tulad ng Brazil, United Arab Emirates at Indonesia at inaasahang masusubukan na rin sa Pilipinas sa lalong madaling panahon kapag nakapasa na ito sa lahat ng requirements.
Ayon kay Sta. Romana, maganda naman ang nakukuhang resulta ng phase 3 trials ng dalawang bakuna ng China at wala itong masamang epekto o side effects.