Ngayong National Heroes Day ay isang pagsaludo ang mensahe ni Senate Minority Leader Franklin Drilon sa lahat ng matapang na nag-aalay ng buhay lalo na ang mga medical frontliners para labanan ang COVID-19.
Nagpahayag din ng pagsaludo si Senator Sonny Angara para sa lahat ng ating mga bayani.
Diin naman ni Senator Sherwin Gatchalian, maliban sa ating mga pambansang bayani na nagbuwis ng buhay para sa ating kasarinlan ay dapat din tayong magpasalamat sa mga bagong bayani na kinabibilangan ng mga health workers at frontliners.
Si Senator Grace Poe, nagpapasalamat din sa lahat ng taos-pusong nagsisilbi sa bayan mula noon hanggang ngayon sa kabila ng dumaaang mga pagsubok, sakuna at pandemya.
Ayon kay Senator Nancy Binay, dapat patuloy tayong magpugay sa lahat ng bayaning Pilipino lalo na sa mga bagong bayani na nagsasakripisyo para sa laban kontra COVID-19.
Tiwala naman si Senator Joel Villanueva na sa gitna ng mga pagsubok ay patuloy na mabubuhay ang dugong bayani ng mga Pilipino na walang atubiling nakiki-ambag para sa ating ikatatagumpay kahit sila ay nalalagay sa peligro.
Tinukoy rin ni Senator Leila De Lima bilang bayani ang mga doktor, nurse, at iba pang healthworkers, frontliners at volunteers na nagbubuwis ng buhay at sumusuong sa panganib ngayong panahon ng pandemya.
Hiling naman ni Senator Francis Kiko Pangilinan sa Department of Health (DOH) na tiyaking naibibigay ang ₱500 daily hazard pay ng medical frontliners bilang pagkilala sa kanilang kabayanihan.