FSH Bldg. 2 ng Brgy. Alabang sa Muntinlupa City, inilagay sa localized lockdown ngayong araw

Isinailalim sa 14-day Extreme Localized Community Quarantine (ELCQ) ang Filinvest Socialized Housing (FSH) Bldg. 2 ng Brgy. Alabang Muntinlupa City ngayong araw, July 28, 2020.

Ito’y matapos pirmahan ni Mayor Jaime Fresnedi ang Executive Order 30 series 2020 na nag-uutos sa pansamantalang pagsara ng naturang building hanggang August 11, 2020.

Batay sa Tala ng Muntinlupa City Health Officer (CHO), noong July 26, ang FSH Building 2 ay mayroong 14 active cases at tatlo nito ay naka-admit na sa ospital.


Bago ilockdown ang nasabing gusali, inabisuhan muna ang 52 na pamilya ng nakatira rito na bumili ng mga pagkain o mga pangunahing pangangailangan upang maiwasan ang madalas na paglabas ng bahay.

Magsasagawa rin ang CHO ng mass testing sa mga residente rito upang malaman agad ang mga possible carrier ng virus at agad na mga quarantine.

Ito na ang ikalawang lockdown na ipinatutupad sa FSH, kung saan unang nilockdown ang FSH Buildings 1 at 7 noong July 7 hanggang July 22.

Maliban dito, ngayong araw rin ipatutupad ng Muntinlupa City government ang 24-hour curfew sa Planas Compound ng Brgy. Tunasan hanggang August 11, 2020 ng alas-11:59 ng gabi.

Facebook Comments