FUEL AID, IPINAMAHAGI SA MGA TRICYCLE DRIVER, MAGSASAKA AT MANGINGISDA SA ILANG BAYAN SA LA UNION

Ipinamahagi ang fuel aid sa mga tricycle driver, magsasaka, at mangingisda sa ilang bayan sa La Union bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Ilang lokal na pamahalaan sa lalawigan ang naglunsad ng fuel subsidy program para sa mga miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Associations, magsasaka, at mangingisda upang makatulong sa kanilang gastusin sa krudo at masuportahan ang kanilang kabuhayan.

Sa bayan ng Balaoan, 10 litro ng fuel subsidy ang ipinagkaloob sa kabuuang 3,023 benepisyaryo mula sa sektor ng agrikultura, pangingisda, at transportasyon.

Sa Santol, inilunsad din ang pamamahagi ng fuel subsidy para sa 82 miyembro ng ilang Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) sa bayan. Nabigyan din ng tulong ang 12 jeepney at 27 habal-habal na bumibiyahe sa nasabing bayan.

Samantala, sa bayan ng Sudipen, umabot sa 1,230 benepisyaryo mula sa hanay ng mga magsasaka at TODA operators ang nakatanggap ng fuel aid sa isinagawang distribusyon noong Marso 19. Nabigyan din ng cash assistance ang ilang rehistradong lokal na negosyo.

Nagkaloob din ng fuel aid ang lokal na pamahalaan ng Caba para sa mga magsasaka, mangingisda, at miyembro ng TODA mula sa 17 barangay nito.

Ayon sa pamahalaang panlalawigan, layunin ng programa na matulungan ang mga apektadong sektor at mapanatili ang kanilang kabuhayan sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments