
Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpupulong kasama ang economic team ng administrasyon na agad maglatag ng mga hakbang na magpoprotekta sa mga Pilipino mula sa epekto ng tensyon sa Iran at Israel.
Kabilang dito ang tulong sa pamamagitan ng fuel subsidies, cash aid at iba pang suporta para mapanatiling abot-kaya ang presyo ng bilihin at pamasahe at matiyak ang katatagan ng ekonomiya.
Sa Malacañang press briefing, sinabi ni DOE Officer-in-Charge Sharon Garin na hindi nakikita ng economic managers na magkakaroon ng malaking epekto ang giyera sa pangkabuuang lagay ng ekonomiya ng bansa.
Panatag din aniya ang economic managers dahil nakikita nilang huhupa na ang sitwasyon dahil sa sinasabing ceasefire o tigil-putukan ng mga bansang sangkot sa tensyon
Nakikita rin aniya ng Department of Economy, Planning and Development na bumababa ang trend ng presyo ng langis sa world market.









