Fuel subsidy, ipatutupad lamang ng DOTr kung aabot sa 80 dollar kada bariles ang presyo ng langis sa world market

Nakabinbin pa rin ang pamamahagi ng Department of Transportation (DOTr) ng fuel subsidy sa mga apektadong sektor dahil sa paggalaw ng presyo ng produktong petrolyo.

Sa Malacañang press briefing, sinabi ni DOTr Secretary Vince Dizon, ipatutupad lamang nila ang pamamahagi ng fuel subsidy oras na umabot sa 80 dollar kada bariles ang presyo ng langis sa world market.

Sa ngayon kasi ay bumaba na sa 69 dollars kada bariles ang presyo ng langis na malayo sa 78 dollars per barrel noong mga nakaraang araw dahil sa tensyon sa Middle East.

Gayunpaman, tiniyak ni Dizon sa sektor ng transportasyon na handa ang pamahalaan na agad ipamahagi ang subsidiya sa oras na maabot ang itinakdang presyo ng langis.

Ayon kay Dizon, tinatayang aabot sa 1,132,407 ang kabuuang benepisyaryo ng nasabing programa, na kinabibilangan ng 258,712 public utility vehicles (PUVs), 723,695 tricycle drivers, at 150,000 delivery riders.

Plano ring bigyan ng ayuda ang mga driver ng TNVS na tutulungan naman sa pamamagitan ng Department of Communications Technology.

Ipamamahagi ito sa pamamagitan ng Pasada Cards o Fuel Cards, transfer e-wallet accounts, bank transfer, o cash distribution para agad na makarating sa mga benepisyaryo.

Facebook Comments