Fuel subsidy ng mga mangingisda, pinatataasan ng isang senador

Pinatataasan ni Senate Committee on Public Services Chairman Raffy Tulfo sa ₱5,000 ang fuel subsidy para sa mga mangingisda sa gitna na rin ng banta ng pagtaas sa presyo ng langis bunsod ng epekto ng tensyon sa Gitnang Silangan.

Ayon kay Tulfo, dapat na itaas sa ₱5,000 mula sa ₱3,000 ang fuel subsidy sa bawat benepisyaryo o kaya ay ipantay sa natatanggap na cash assistance ng mga PUV drivers.

Inaasahang aabot sa 200,000 na mga mangingisda na nakarehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) ng Department of Agriculture (DA) ang makikinabang sa fuel subsidy.

Bukod sa apelang dagdagan at madaliin ang pamamahagi ng fuel subsidy ay hiniling din ng senador na direkta na lamang i-deposit sa bank accounts o kaya ay cash ang ibigay sa mga mangingisda para agad na makatulong para maibsan ang epekto ng fuel price hikes.

Hinimok ni Tulfo ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at Department of Budget and Management (DBM) na linawin ang guidelines sa distribusyon ng fuel subsidy at tiyakin na matatanggap ito ng cash ng mga mangingisda nang walang delay.

Facebook Comments