Kamakailan lamang ay inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang pamamahagi ng fuel cash subsidy sa mga tsuper, operator, magsasaka at mangingisda sa ilalim ng Pantawid Pasada Program ng DILG.
Sa panayam ng iFM Cauayan kay Ginoong Angelo na limang taon ng namamasada ng traysikel at kabilang sa Sta-Dab-Bar o Sta Luciana, Daburab at Baringin TODA, hirap na aniya ito dahil halos wala na itong kinikita sa pamamasada dahil sa napakamahal na presyo ng produktong petrolyo ganun din sa mga pangunahing bilihin.
Sumabay pa aniya ang tumal ng pasahero kung saan iilan pa lamang sa ngayon ang mga nagcocommute dulot na rin ng pandemya. Tiyambahan na lang din ang kanilang pamamasada ngayon kung saan maswerte na raw siya kung hindi bababa sa limang daang piso kada araw ang kanyang kita.
Kaya naman isa si Ginoong Angelo sa mga kumakalampag ngayon sa pamahalaan na ibigay na sa mga traysikel drivers ang kanilang cash subsidy para naman makatulong sa kanilang pambili ng diesel o gasolina. Nasa halagang tig- P4,500 hanggang P6,500 ang kanilang inaasahang matatanggap kung saan direkta na itong ipapadala sa kanilang gcash account o Landbank account.
Ayon sa tsuper, kumpleto aniya ang kanyang isinumiteng requirements sa BPLO Cauayan gaya ng Gcash account at nakapag renew na rin ng kanyang prangkisa kaya umaasa ito na kabilang siya sa mga maaayudahan. Isang buwan na rin nila itong hinihintay mula nang sila ay nag-apply sa nasabing programa.
Samantala, sinabi naman ni BPLO Officer Atty. Sherwin De Luna na nasa mahigit apat na libong traysikel drivers lamang sa Lungsod ang mabibigyan ng fuel cash subsidy dahil sila lang aniya ang mga pumasa sa ginawang beripikasyon ng Central Office na nakapag comply at nakapag renew ng prangkisa.