Fuel subsidy para sa mga tsuper, ipapamahagi na sa susunod na linggo ayon sa LTFRB

Sisimulan na sa susunod na linggo ang pamamahagi ng fuel subsidies para sa mga drayber at operator ng Public Utility Vehicle.

Ito ang kinumpirma ni LTFRB Executive Director Tina Cassion matapos mailabas na rin kahapon ang pondo na gagamitin sa pamamahagi ng subsidiya.

Bukod sa ₱2.5 billion na pondo para sa mga drayber ng pampublikong transportasyon, inilabas na rin ng Department of Budget and Management ang ₱500 million na fuel subsidy para sa mga nasa sektor ng agrikultura.


Sa ilalim ng 2022 budget, nakalaan ang ₱2.5 billion na fuel subsidy program sa Department of Transportation na siyang magbibigay ng fuel vouchers na nagkakahalaga ng ₱6,500 sa higit 377,000 kwalipikadong PUV drivers.

Kinabibilangan ito ng mga drayber ng jeep, UV express, taxi, tricycle at iba pang full time ride hailing at delivery services sa buong bansa.

Ayon kay Cassion, magpupulong ngayong araw ang LTFRB at Land Bank of the Philippines para malaman ang eksaktong petsa ng distribusyon ng fuel subsidy.

Facebook Comments