Nais itaas ng National Economic Development Authority (NEDA) sa ₱5 billion ang pondong gagamitin para sa fuel subsidy ng mga Public Utility Vehicle drivers.
Sa talk to the people ni Pangulong Rodrigo Duterte kagabi, inilatag ni NEDA Secretary Karl Chua ang ilang mga rekomendasyon upang mabawasan ang epekto sa bansa ng walang prenong pagtaas ng presyo ng langis dahil sa giyera ng Russia at Ukraine.
Kabilang na rito ang pagkakaroon ng dalawang bugso sa pamamahagi ng ayuda at dodoblehin din ang pondong nakalaan sa mga nasa agriculture sector para sa kanilang fuel discount.
Bukod dito, hihilingin din nila sa mga kumpanya ng langis na magpatupad pa ng mga discount para sa mga PUV drivers na aabot sa P1 hanggang P4.
Samantala, isa pa sa sinisilip na solusyon ng pamahalaan na pataasin pa ang buffer stock ng langis ng Pilipinas sa 45 araw mula sa kasalukuyang 30 araw.
Kasunod nito, pabor naman si Pangulong Duterte sa mungkahi ni Chua na magpatawag ng special session sakaling lalo pang lumala ang sitwasyon.
Ayon sa Pangulo, mahalaga ang mga rekomendasyon ng NEDA upang mapanatiling buhay ang ekonomiya ng bansa.
Una nang inirekomenda ng kamara kay Pangulong Duterte na magdeklara na ng state of economic emergency na layong gamitin ang calamity funds ng Local Government Units (LGUs1) bilang subsidiya sa kanilang mga tsuper, magsasaka at mga mangingisda.