Hahahap ng pondo ang Marcos administration para maituloy pa ang fuel subsidy.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na itutuloy pa rin nila ang fuel subsidy sa sektor ng transportasyon kabilang ang sektor ng tricycle.
Aniya, ito ay isang paraan para masuportahan at matulungan ang sektor ng transportasyon na silang pinakamatinding apektado ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Siniguro ng pangulo na may sapat namang budget para rito sa loob ng taong ito o kahit pa sa susunod na taon.
Aniya, tinalakay nila ito sa cabinet meeting kahapon kung saan maaaring humugot ng pondo para dito.
Sa ngayon, nasa 337,000 na mga operator ng jeep, bus, UV express, TNVS at delivery services ang nakatanggap ng fuel subsidy na ipinatupad ng nagdaang administrasyong Duterte.
Isinama na rin dito ang sektor ng tricycle pero marami pa sa mga ito ang hindi pa nakatatanggap dahil ipinaubaya na ng Duterte administration ang pamimigay nito sa bagong administrasyon.