“Fuel tax holiday”, hindi solusyon sa patuloy na pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo, ayon sa DOF

Muling iginiit ng Department of Finance o DOF na hindi solusyon ang pagpapatupad ng ‘fuel tax holiday’ sa gitna ng walang tigil na taas-presyo sa produktong petrolyo.

Ayon sa DOF, dapat ituloy ng pamahalaan ang pamamahagi ng fuel subsidy at huwag suspendihin ang excise tax sa langis.

Dagdag pa ng DOF, batid nila na may ilang partido na ang umaapela sa administrasyong Marcos na ipatupad ang ‘fuel tax holiday’, pero kung aaprubahan ang panukala ay magreresulta ito ng mas mataas na budget deficit at mas mabigat na pagkakautang.


Giit ng nasabing ahensya, hindi solusyon ang ‘fuel tax holiday’ para matulungan ang sektor sa transportasyon na labis na naapektuhan ng tumataas na presyo ng produktong petrolyo.

Paliwanag ng DOF, mababawasan ang government revenues ng ₱105-billion o katumbas ito sa .05 percent ng gross domestic product (GDP) ng 2022 kung sususpendihin ang excise tax.

Samantala, kasado na bukas, June 21 ang panibagong oil price hike ng mga kompanya ng langis.

Higit tatlong pisong ang taas-presyo sa diesel, habang P0.80 naman sa gasolina at P1.70 sa kerosene.

Facebook Comments