Inoobliga ngayon ni Assistant Minority Leader at ACT Teachers Partylist Rep. France Castro ang gobyerno at ang Department of Education (DepEd) na ilabas ang full account ng mga obligated funds para sa edukasyon sa ilalim ng Bayanihan 2.
Kasabay nito, ang paghahanap ni Castro kung nasaan ang mga laptops ng mga guro para sa online learning gayundin ang kanilang allowance at iba pang subsidies ngayong may COVID-19 pandemic.
Sinabi ni Castro na inihayag ng DepEd na obligated o na-allocate na ang 90% ng P4.35 Billion pondo ng Bayanihan 2 para sa distance learning pero wala namang natatanggap ang mga guro na pangakong laptop at internet load mula sa ahensya.
Hanggang ngayon aniya ay mga guro pa rin ang sumasagot para sa internet load at pagpapagawa ng modules.
Tinukoy rin ng mambabatas na mayroon pang mga probisyon sa Bayanihan 2 na makatutulong para sa distance learning ng mga magaaral tulad ng ICT infrastructure, subsidies at allowances para sa mga kwalipikadong magaaral, Digital education, IT, Digital infrastructure, and Alternative Learning Materials at iba pa.
Ngunit batay sa mga guro na kanyang nakausap, wala silang natatanggap na tulong sa DepEd sa ilalim ng Bayanihan 2 kahit pa may mga nakapaloob dito na budget at probisyon para sa edukasyon.