CAUAYAN CITY- Kanselado lahat ng flight sa Palanan Airport matapos sumailalim sa signal no. 1 ang lalawigan ng Isabela dahil sa Bagyong Leon.
Matatandaang nagkansela rin ng flight noong mga nakaraang araw dahil sa bagyong Kristine kung saan agad na nagsagawa ng clearing operation ang kapulisan sa paliparan sa mga iniwan na pinsala at kalat ng bagyo.
Sa eksklusibong panayam ng IFM News Team kay Police Lieutenant Ricardo Lappay, OIC ng Palanan Aviation Police Station, bumalik sa normal operation ang Airport noong Linggo ngunit muling kinansela ang mga flight ngayong araw dahil sa bagyo kung saan wala namang naitalang na-stranded na pasahero sa paliparan.
Aniya, itinaas sa full-alert status ang paliparan at nakaantabay naman ang sampung tauhan ng Aviation kasama ang karagdagang mga tauhan mula sa lungsod ng Tuguegarao upang magbantay ngayong papalapit na undas at bagyo.
Samantala, mahigpit na pinapaalalahanan ni Police Lieutenant Ricardo Lappay ang mga pasahero na nakahanda ang kanilang hanay sa pagtugon at pagsasaayos sa airport upang hindi magkaroon ng pinsala nang sa gayon ay tuluy-tuloy ang operasyon ng nasabing paliparan.