
Nanawagan si Kusug Tausug Party-list Rep. Aiman Tan ng “full at independent investigation” sa nangyaring paglubog ng MV Trisha Kirsten 3 sa karagatang sakop ng Basilan kung saan 18 na ang naitalang nasawi at marami pa ang hinahanap.
Sa kanyang privilege speech sa plenary session ng Kamara ay binanggit ni Tan na layunin ng hirit nyang full at independent investigation na matukoy kung nagkaroon ba ng kapabayaan o kawalan ng aksyon sa panig ng mga kaukulang ahensya kaya nangyari ang trahedya.
Umaasa rin si Tan na lalabas sa imbestigasyon kung may pagkukulang sa implementasyon ng Maritime Laws kaya hindi naiiwasan ang mga aksidente sa karagatan.
Bukod dito ay giniit ni Tan ang patuloy na pagbibigay ng suporta at tulong sa pamilya ng mga nasawi sa paglubog ng MV Trisha Kirsten 3, gayundin sa mga nakaligtas.










