Full cashless toll collection, ipupursige ng DOTr

Nanindigan ang Department of Transportation (DOTr) na wala ng urungan sa pagpapatupad ng contactless toll collection system.

Ayon kay Transportation Assistant Secretary Goddes Hope Libiran, hindi na maaaring maantala ang pagpapatupad ng cashless payment sa toll expressways lalo na sa panahon ng pandemya.

Layunin nitong maprotektahan ang mga motorista at maiwasan ang physical contact.


Pero sinabi ni Libiran na bibigyan pa rin ng konsiderasyon ang ilang motorista na wala pang radio-frequency identification o RFID stickers.

Aniya, pinagbigyan nila ang extension para sa transition period mula December 1 hanggang January 11.

Ang pagkakabit din ng RFID stickers ay magpapatuloy kahit lagpas na sa transition period.

Bagamat walang huhulihing sasakyan na walang RFID, iiisyuhan pa rin ang mga ito ng traffic violation ticket dahil sa disregarding traffic signs o obstruction kung nasa maling lane sila.

Matatandaang nanawagan sina Senators Grace Poe at Nancy Binay na palawigin ang period of implementation nito.

Ang full implementation ng bagong panukala ay inisyal na sinimulan noong November 2 pero iniurong ito sa December 1.

Facebook Comments