Iginiit ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na ituloy pa rin ang ‘full face-to-face classes’ kahit pa may mga bagong sulpot na variant at subvariant ng COVID-19.
Paliwanag ni Pimentel, mayroong mahigit tatlong libong virus sa paligid at hindi maaaring palagi na lamang tayong takot dahil dito.
Kailangan aniyang matuto ang mga tao na mamuhay na nariyan ang mga virus lalo na ang Coronaviruses noon pa man ay kasama na ito sa pamumuhay ng mga tao at hayop.
Nababahala si Pimentel na kung patuloy na magtatago dahil sa virus ay nakasalalay rito ang kinabukasan ng mga kabataan na silang mamumuno naman sa ating bansa sa hinaharap.
Bukod dito, tiyak na magkakaroon muli ng mga pandemya at health emergency sa kanilang panahon.
Hiniling naman ni Pimentel sa Department of Education (DepEd) ang maayos na ventilation at air circulation sa mga paaralan at hanapan ng praktikal na solusyon kung paano mapapangalagaan ang ating mga mag-aaral.