Full face-to-face sa unang SONA ni PBBM, inilalatag na

Magbabalik 100% “face-to-face” na ang Kamara para sa unang State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ayon kay House Secretary General Mark Llandro Mendoza, full capacity na ang gagawin sa unang SONA ni PBBM sa July 25 kung saan personal nang makakadalo sa Batasan Complex ang 315 mga kongresista, 24 na senador, diplomatic corp at iba pang VIP guests.

Aabot naman sa 1,200 ang seating capacity ng plenaryo na inaasahang mapupuno sa mismong araw ng SONA.


Sa kabilang banda ay magiging limitado naman ang media na pahihintulutang makapasok sa session hall.

Batay sa abiso, 30 reporters lamang ang papayagan makapasok sa plenaryo sa pamamagitan ng draw lots habang ang nalalabi ay maaaring mag-monitor sa itatalagang holding area sa south wing annex.

Bubuksan na rin ang north at south wing lobby para sa maayos na coverage ng media.

Umaasa naman si Mendoza na lahat ng mga mahahalagang taong inimbitahan ay personal na makakapunta sa SONA ni BBM.

Facebook Comments