Ipinanawagan ni Lanao del Sur Govenor Mamintal Alonto Adiong Jr., sa pamahalaan ang agaran at full implementation ng decommissioning program sa Moro Islamic Liberation Front o MILF.
Sa interview ng RMN Manila kay Governor Adiong Jr., sinabi nito na layon ng nasabing programa na maka-usad na nang tuluyan ang gobyernong Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.
Dagdag pa ng gobernador, ang nasabing decommissioning ay kabilang sa peace agreement ng BARMM Governors’ Caucus (BGC).
Giit ni Adiong Jr., napapanahon nang ipatupad ito lalo na’t nalalapit na ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
“Nakalagay naman sa batas na hindi pwede na pagdating ng eleksyon na may baril pa sa labas. Kaya dapat lang na ang mga baril ay maibalik na at ma-isurrender na then ang mga base command ay manageable na rin, yan ang apela ng ng BGC.”
Ayon pa kay Adiong Jr., sagot din ang decommissioning upang matigil na ang talamak na loose firearms at kaguluhan sa kanilang lugar dulot ng mga rebeldeng grupo.
“Hangga’t hindi pa nakukumpleto ang decommissioning, magiging talamak talaga ang loose firearms sa lugar namin lalo na’t malapit na ang eleksyon pati na ang mga armadong grupo.”
Kaya naman, kinalampag ni Adiong Jr., sina Department of National Defense (DND) Secretary Atty. Gilberto Teodoro at Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr., na bigyang-pansin ang usaping peace and order sa kanilang rehiyon.