Inihayag ni Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte-Carpio na pinag-uusapan na nila na mga miyembro ng gabinete kung papayagan pa rin ang blended o distance learning sa mga elementarya at high school sa darating na Nobyembre.
Nabatid kasi na simula sa November 2 ay ipapatupad na ng DepEd ang full face-to-face classes sa pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa.
Sa isang panayam, sinabi ni VP Duterte na pag-uusapan nila kung magbibigay pa rin ng options sa mga paaralan.
Gumagawa na rin aniya ang ahensya ng report na isusumite kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., para sa posibleng adjustment sa full implementation ng face-to-face classes sa November.
Binigyang-diin ni Duterte na ang pagpapatuloy ng limang araw ng in-person classes ay isang mahalagang hakbang na ginawa ng administrasyong Marcos sa unang 100 araw nito.
Dagdag pa ni Duterte, patuloy sila nakatutok sa pagbabakuna sa mga kabataan matapos umano’y may mga nagpositibo sa COVID-19 sa ilang paaralan.
Matatandaang, iminungkahi ni Pangulong Bongbong Marcos na magpatuloy pa rin ang pinagsamang face-to-face classes at online class.