Nagsasagawa na ng masusing imbestigasyon ang Philippine National Police (PNP) para papanagutin ang mga taong nagkanlong kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy.
Ayon kay PNP Chief General Rommel Francisco Marbil, imposibleng makapagtago si Quiboloy nang walang tulong mula sa malalapit na tao sa kaniya at legal representatives na sadyang niligaw umano ang PNP sa kinaroroonan nito.
Inatasan din ni Gen. Marbil si Criminal Investigation and Detection Group director MGen. Leo Francisco na manguna sa pagkalap ng mga ebidensiya upang matukoy ang mga nagtago kay Quiboloy.
Kung sino man aniyang mapapatunayang nagkanlong sa pugante ay mahaharap sa kasong obstruction of justice.
Si Quiboloy, na nahaharap sa mga kasong child sexual abuse at qualified human trafficking ay sumuko sa loob ng KOJC compound kasama ang apat na kapwa akusado nitong September 8 matapos bigyan ng 24 oras na ultimatum ng mga otoridad.