Umapela si Senator Jinggoy Estrada na magkaroon ng “full transparency” sa imbestigasyon ng Philippine Coast Guard (PCG) tungkol sa paglubog ng pampasaherong bangka sa Laguna Lake sa bahagi ng Binangonan, Rizal.
Ayon kay Estrada, dapat matiyak na may transparency sa pagsasagawa ng PCG ng komprehensibo at patas na pagsisiyasat sa trahedya na ikinasawi ng 27 katao.
Hiniling ng senador ang agad na pagpapanagot sa mga responsable sa mga aksyon at kawalan nang hakbang na naging dahilan kaya nangyari ang insidente.
Sinabi ni Estrada na mistula na rin silang sirang-plaka sa pagsasabi na magsilbing wake-up call ang trahedya sa mga kinauukulan para sa pagsusuri ng safety protocols at enforcement measures upang hindi na maulit ang trahedya.
Dagdag pa ng senador hindi na katanggap-tanggap na may natutulog sa pagtupad ng kanilang tungkulin kaya nararapat lang na patawan ng parusa.