
Tinapos na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang full underwater search sa lumubog na MV Trisha Kerstin 3 sa karagatan sakop ng Baluk-Baluk Island sa Basilan.
Ayon sa Coast Guard District Southwestern Mindanao (CGD SWM), umabot ng 27 araw ang high-risk technical wreck deep water diving operations na nagsimula noong January 28.
Sa kabuuan anila ay umabot sa 22 na bangkay ang narekober ng Technical Diving Group mula sa iba’t ibang bahagi ng barko.
Ayon kay CGD SWM Commander, Commodore Rejard Marfe, hinarap ng mga sumisid ang malalakas na agos sa ilalim ng tubig, halos zero visibility dahil sa makapal na burak, at hindi matatag na istruktura ng barko.
Sinuri ng mga diver ang mga deck kabilang ang mga sasakyan sa loob, at maging ang engine room kung saan may kontaminasyon ng langis at nagkalat na debris.
Batay sa underwater assessment, nakatagilid pakaliwa ang bark habang nananatiling buo ang magkabilang exposed na bahagi ng hull kabilang ang mga rampa at wala raw nakitang panlabas na bitak.
Bagama’t nakumpleto na ang paghahanap sa buong barko, sinabi ng PCG na magpapatuloy ang diving operations hanggang February 26 para sa tinatawag na re-swiping procedures upang matiyak na wala nang bahaging hindi nasuri.










