Fully vaccinated foreign nationals, pwede nang pumasok sa bansa kahit walang bitbit na entry exemption document simula sa Abril

Papayagan nang makapasok sa Pilipinas ang mga fully vaccinated foreign national saan mang bansa sila nagmula kahit pa wala nang entry exemption document.

Ayon kay Atty. Michael Kristian Ablan, acting Deputy Presidential Spokesperson at Undersecretary ng Presidential Communications Operations Office (PCOO), kailangan lamang tumalima ang mga ito sa mga applicable visa o entry requirement gayundin sa immigration entry at departure formalities.

Magiging epektibo ito simula alas-12:01 ng madaling araw ng April 1, 2022.


Base sa Inter-Agency Task Force (IATF) Resolution no. 165, kailangan magpresinta ang mga foreign tourist ng proof of vaccination na kinikilala ng IATF.

Kailangan pa ring magpakita ng negatibong resulta ng RT-PCR test na kinuha 48 oras bago ang departure o negative antigen test result na isinagawa 24 na oras bago ang kanilang pag-alis mula sa bansang panggagalingan.

Kailangan din na hindi bababa sa anim na buwan ang validity ng passport ng mga ito pagkadating sa Pilipinas.

Mayroong valid tickets para sa kanilang pag-uwi o sa susunod na destinasyon na hindi lalampas sa 30 araw maliban kung anak o asawa sila ng mga Pilipino o balikbayan.

At kailangang mayroong travel insurance ang mga ito para sa COVID-19 treatment cost na mayroong minimum coverage na 35,000 US dollars para sa kanilang pananatili sa Pilipinas.

Facebook Comments