Fully vaccinated individuals, posibleng hindi na isalang sa swab test para sa local tourism

Isinusulong ng Department of Tourism (DOT) na hindi na kailangang isalang pa sa RT-PCR o swab test ang mga fully vaccinated individual sa layuning mahikayat ang mga ito na magbakasyon dahilan upang unti-unting sumigla ang turismo sa bansa.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni DOT Sec. Bernadette Romulo Puyat na isa ito sa magiging paksa sa Inter-Agency Task Force (IATF) meeting mamayang hapon.

Ayon kay Puyat, malaking bagay ito nang sa ganon ay maeenganyong muli ang ating mga bakunadong kababayan na mag-relax at magbakasyon.


Kapag naaprubahan ng IATF, hindi na rin aniya magbibigay ng subsidiya ang DOT sa mga local tourist para sa kanilang bakasyon.

Sa ngayon kasi, nagbibigay subsidiya ang pamahalaan sa ilang turista kung saan 50% off ang babayaran nila sa swab test.

Inihalimbawa nito ang Philippine Children’s Medical Centre na P1,500 ang singil sa swab test pero dahil sa nasabing programa ng DOT ay magiging P750 na lang ang babayaran ng isang local tourist habang sa UP-PGH na imbes na P1,800 ang babayaran ng isang turista ay magiging P900 na lamang.

Facebook Comments