Inaprubahan na ng House Committee on Appropriations ang funding provision ng panukala para sa karagdagang benepisyo ng mga solo parents.
Ang alokasyon ng pondo para sa mga benepisyo ay isasama sa taunang budget ng mga ahensya ng gobyerno sa ilalim ng General Appropriations Act.
Ikinalugod naman ni Gabriela Partylist Representative Arlene Brosas ang naturang hakbang.
Aniya, malaking tulong kung agad itong maisasabatas dahil sa mabigat na pasanin para sa mga solo parents ang kawalan ng trabaho at ayuda sa gitna ng COVID-19 crisis.
Sa ilalim ng substitute bill, makakukuha ng 10% na discount ang mga solo parents sa iba’t ibang basic needs kasama na ang clothing materials, food and micronutrient supplement at gamot para sa kanilang mga anak na anim na taong gulang pababa.
Entitled din ang mga solo parents sa pitong (7) araw na paid parental leave ano man ang kanilang employment status.
Mahaharap naman sa parusang pagkakakulong ng hanggang isang taon o multa na P10,000 hanggang P50,000 ang ano mang korporasyon, ahensya o kompanya na bigong ipatupad ang benepisyo para sa mga solo parents.