Gabinete, dalawang beses magpupulong kada linggo; unang cabinet meeting, sumentro sa inflation, transportasyon, pagkain at face-to-face classes

Magkakaroon ng dalawang beses na pagpupulong kada linggo ang mga miyembro ng gabinete.

Ito ng inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa press conference sa Malacañang.

Aniya, hindi natapos ang kanilang cabinet meeting kanina dahil marami pang dapat na pag-usapan.


Kaya plano niyang magkaroon ng dalawang cabinet meeting kada linggo dahil mahalaga raw na maintindihan ng buong gabinete ang kanilang mga kailangan gawin sa mga susunod na taon.

Sinabi pa ng pangulo, napag-usapan sa cabinet meeting ang pagpapalakas ng agricultural sector partikular ang pagkakaroon ng sapat na suplay ng pagkain na aniya ang pinakamahalaga.

Sinabi ng pangulo na mayroong sapat na suplay ng pagkain sa mga susunod na buwan pero mahal ang presyo kaya kailangan aniyang may magawa dito ang Department of Agriculture (DA) na kanyang pinamumunuan.

Napag-usapan din daw ayon sa pangulo ang pagsisimula ng face-to-face classes sa Setyembre batay na rin sa anunsyo ni Vice President at Department of Education Secretary Sara Duterte-Carpio.

Tinalakay rin ang problema sa inflation rate na ayon sa pangulo ay hindi lang problema ng Pilipinas kundi maging ng buong mundo.

Siniguro na gumagawa sila ng paraan para mapababa ang inflation rate habang tiniyak din Marcos na magpapatuloy ang subsidiya ng gobyerno sa transport sector maging sa mga commuter partikular ang pagkakaroong libreng sakay sa ilang public transportation.

Facebook Comments