Gabinete, suportado si Presidente Duterte sa desisyon nitong huwag na munang isailalim sa MGCQ ang buong bansa

Buo ang suporta ng gabinete kay Pangulong Rodrigo Duterte na ipagpaliban na muna ang pagsasailalim sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ng buong bansa para sa buwan ng Marso.

Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, para sa Pangulo, nais niya munang makita ang resulta ng vaccination program bago pag-aralang muli ang pagsasailalim ng bansa sa MGCQ.

Aniya, nagiging maingat lamang ang Pangulo o nais lamang nito ng step-by-step approach sa paggawa ng desisyon.


Paliwanag pa ni Nograles, pagtutulong-tulungan ngayon ng economic managers ng administrasyon kung ano ang dapat pang gawin upang maisalba ang ekonomiya o kung ano-ano pang mga sektor ng negosyo ang pupwede pang buksan kahit na nasa ilalim pa rin ng General Community Quarantine ang Metro Manila at iba pang lugar sa bansa.

Layon aniya nitong maisalba ang mga naghihingalong mga negosyo at hindi mawalan ng trabaho ang kanilang mga empleyado.

Kasabay nang patuloy na pagtalima sa minimum health standards o safety protocols upang ganap pa ring mailayo ang ating mga kababayan mula sa banta ng COVID-19.

Facebook Comments