“Gadgets Ko, Tulay sa Future Mo” project, inilunsad ng Parañaque National High School bilang paghahanda sa pasukan sa Agosto

Hindi natatakot ang Parañaque National High School (PNHS) sa isinusulong na blended learning ng Department of Education (DepEd) para sa darating na pasukan sa August 24, 2020.

Sa programang Usapang Trabaho ng RMN Manila, sinabi ni PNHS Principal Gerry Lumaban na maganda ang ginagawang paghahanda ng kanilang eskwelahan.

Aniya, sa tulong ng Local Government Unit (LGU), napagkalooban ang PNHS ng mga xerox copier na ginagamit nila ngayon sa pag-iimprenta ng mga learning modules na gagamitin ng mga estudyante.


Bukod dito, sumasailalim na rin sa mga pagsasanay ang mga guro para matiyak na masusubaybayan nila ang mga bata sa ilalim ng blended learning.

“Napakaganda ng paghahandang isinagawa ng aming division at sa pakikipagtulungan na rin ng Department of Education. Kaya hindi kami natatakot sapagkat napakaraming pagsasanay kung paano ie-engage ng mga teacher ang ating mga estudyante this coming August 24,” saad ni Lumaban.

Bukod sa modules, pinaghahandaan din ng mga paaralan sa bansa ang online learning.

At bilang tulong sa mga mag-aaral, inilunsad ng PNHS ang proyektong “Gadgets Ko, Tulay sa Future Mo”.

Layon ng proyekto na makalikom nasa 600 donasyong gadgets mula sa kanilang mga alumni at mga Non-Government Organization (NGO) para ipamigay sa mga mag-aaral na walang pambili ng gadget para sa online learning.

Sa ngayon, nasa higit 100 gadget na ang kanilang natatanggap.

Facebook Comments