Walang problema sa Philippine National Police (PNP) kung magsagawa ng sariling imbestigasyon ang Commission on Human Rights (CHR) kaugnay sa pagkamatay ni Cadet 3rd Class George Carl Magsayo sa hazing sa loob ng Philippine National Police Academy (PNPA).
Ayon kay PNP Chief General Guillermo Eleazar, nirerespeto nila ang mandato ng CHR kaya hindi nila pipigilan ang pag-imbestiga.
Habang tinitiyak din ni PNP chief na agresibo ang pagpapatupad nila ng reporma sa PNPA kaya nagtalaga siya ng bagong pinuno ng PNPA sa katauhan ni Pol. Maj. Gen. Alex Sampaga, miyembro mg PNPA Class 1989.
Pinalitan niya si dating PNPA Director Police Maj. Gen. Rhoderick Armamento.
Sinabi pa ni PNP chief, simula noong 2019 nang mapasailalim sa supervision ng PNP ang PNPA mula sa Philippine Public Safety College batay na rin sa RA 11279 ay maigting na ang reporma sa akademya.
Pero dahil sa pagkamatay ni Magsayo, inutos ni PNP chief sa bagong PNPA director ang pag-review ng mga polisiya sa PNPA para hindi na maulit pa ang hazing activities sa akademya.